Ang Hapis sa "Hele Sa Hiwagang..."



Talagang sinadya ko ang Hele movie na ito. Ewan kung nadala ako PR na komo award-winner ang movie na ito o dahil sa challenge na kakayanin ko ba ang pinakamatagal na palabas na ito na aabot daw ng walong oras. O talaga lang yatang fan ako ng mga film festivals dito sa Pilipinas. "Alipin Ng Pelikula" ika nga, gaya ng sabi o nakatatak sa nabili kong pin sa merchandise booth ng Cinemalaya sa CCP. At oo nga pala, kakayanin ko ito dahil day-pass ang tickets ko tuwing manonood sa nabangit na film festival sa Pasay.

Kasabay pala ni Hele... ang may pinakamahabang pila noong Sabado. Ang Superman VS Batman na me guesting si Wonder Woman. Na-ingit ako bigla. Pero teka lang sabi ko, ma-e-extend pa to i'm sure ng ilang week kesa kay Hele.

Ayun na nga sa ticket price na P450.00 ang isa. Bumili kame ng dalawa. At akala ko walang tao sa loob pero halos mapuno ang orchestra at balcony. 

Hele Sa Hiwagang Hapis ay tumatalakay sa mga hindi natin nababasa sa history books, tumalakay sa mga bulong bulungan sa tunay daw na nangyari ng himagsikang Kastila-Pilipino. Pumalaot ang istorya sa paghahanap ni  Gregoria de Jesus (Hazel Orencio) sa bangkay o kinahinatnan ng asawang si Andres Bonifacio. Kasama ang dalawa pang babae na ginampanan nina Assunta De Rosi at Susan Africa.

May mga Tikbalang na anyong tao ang nang-gugulo (sina Bernardo Bernardo, Cherie Gil and Angel Aquino), may mga masasalubong na kulto na naniniwala na mabubuhay si Jose Rizal at naniniwalang totoo raw si Bernardo Carpio (na isang alamat). Maria ang pangalan ng pinilit na maging miyembro ng kulto - magaling kumanta at isang soprano/tenor.


Tumatalon ang eksena sa gubat sa pagitan ng mga tauhan. Papasok sa eksena ang ilang tauhan at pangyayari sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ang edukadong si Simoun (Piolo Pascual), ang makatang si Isagani (John Lloyd Cruz) at ang manggagamot na si Basilio (Sid Lucero) bilang mga sikretong nag-aaklas para sa kalayaan.

Parang nanonood ka ng Pinoy Big Brother, noong unang panahon. Mahahaba ang mga eksesa. Me mga tumatatak at may mga okay lang. At may mga… sana wala na lang ang eksenang yun.
Isa sa naa-alala ko at magandang-maganda sa akin ang banat ng istorya ay ang mga eksena ni Ely Buendia. Kung saan kumakanta siya ng Hele para sa nililigawan bago sumabak sa pakikipaglaban. Nakakatawa sa isang banda kung saan ang eksena nya - na kumakanta gubat habang hawak ang gitara…. ayan tuloy natunton ng kalaban. 

Overall, maituturing pa ring fiction lamang ang pelikulang ito kahit may mga involved na kilalang tao at bayani. Puwede ring sabihing ito yung mga nawawalang pahina sa ating kasaysayan pero sino ang makapagsasabi.

May intermission na 15 minutes. Bumili muna ng Pizza at tubig. Unat-unat habang nakatayo sa labas ng Cinema 9.

Nakaka-discourage ang 8 hours sa maraming tao pero alam ko marami rin ang macha-challenge dahil sa haba nito. After the said intermission, at bago magsimula ulet ang palabras makikita mon a merong mangilan-ngilan na hindi na bumalik sa kanilang upuan. Kaya umiba kame ng pwesto na mauupuan. First row at the center. Perfect na rin pala yun. Kala ko malapit masyado. Tamang tama lang pala sa akin. Wala akong makikitang ulo sa harapan ko. Parang nasa eksena na rin ako sa pelikula. Ako at ang pinilakang tabing.

Tahimik ang pelikula, parang dungaw sa bintana. Walang soundtrack maliban sa tunog ng paligid at boses ng mga tauhan.

Tribute na rin siguro ito para kay Rizal. 
At sa kasaysayan…mga krimen o karahasan. Sa relasyon.. sa pamilya at bayan.
Leksyon na rin siguro natin... paala-ala ng kasaysayan. Para di na maulit? 
Pero alam din naman natin... paulit-ulit lang. Umiikot ikot lang.

Kung itatanong mo sa akin kung sulit ba? 
Tatanungin din kita. Manuod ka muna.


Directed by Lav Diaz 

Posted for taralets.com
by kuyabo@taralets.com


Post a Comment

0 Comments